Handa umano ang China na abutan ng tulong ang mga Pilipinong mangingisda na sakay ng bangkang binangga umano ng Chinese fishing vessel noong Hunyo sa Recto Bank, bahagi ng West Philippine Sea.
Nitong araw nang pormal na humingi ng tawad ang Beijing, dalawang buwan makalipas ang insidenteng kinasangkutan ng barko mula sa kanilang bansa.
Sa isang statement, inako ng China ang responsibilidad sa trahedya kasabay ng panawagan sa pamahalaan ng Pilipinas na maghain ng apela para sa kompensasyon ng 22 mangingisdang sakay ng F/B GemVir 1.
“I feel deep regret that this accident had to happen and I would like to express my deep sympathy to the Filipino fishermen. The shipowner of the Chinese fishing boat involved, through our Association, would like to express his sincere apology to the Filipino fishermen,” ayon sa Chinese Department of Foreign Affairs.
“We believe that although this accident was an unintentional mistake of the Chinese fishermen, the Chinese fishing boat should however take the major responsibility in the accident.”
Kakausapin umano ng gobyerno ng China ang may-ari ng nasangkot na fishing vessel para makipag-ugnayan sa estado at iabot ang tulong sa mga naapektuhang mangingisda.
Humingi na rin daw ng tawad ang may-ari ng Chinese fishing boat na natunton ang pagkaka-rehistro sa Guangdong province.
“The Philippine side is requested to file a specific appeal for civil compensation based on actual loss.”
Kung maaalala, June 9 ng madaling araw nang lumubog ang maliit na bangka ng mga Pilipino matapos umanong banggain at iwan sa gitna ng laot ng mga Chinese.
Sa panayam naman ng Bombo Radyo inamin ng maritime law expert na si Dr. Jay Batongbacal na malaking hamon para sa China ang pagharap sa insidente lalo na’t nais din nitong panatilihin ang pagiging kaibigan ng Pilipinas.