-- Advertisements --

Hinahabol na ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang may-ari ng barko na itinuturong dahilan sa untreated wastewater na itinapon umano sa Manila Bay noong nakaraang linggo.

Ayon sa ahensya, naghihintay na raw ang notice of violation laban sa may-ari ng MV Sarangani.

Noong Lunes, Abril 26, nang bisitahin ni DENR Sec. Roy Cimatu ang priority area ng Manila Bay rehabilitation at tinalakay ang naturang insidente kasama ang mga kinatawan mula sa Philippine Coast Guard (PCG), lokal na pamahalaan ng Maynila, Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Laguna Lake Development Authority (LLDA), Manila Bay Coordinating Office, Philippine Ports Authority (PPA), at Environmental Management Bureau (EMB).

Matapos ang imbestigasyon ay napatunayan ng ahensya na may pananagutan ang may-ari ng barko sa nangyari. Nakahanda na rin ang DENR sa ipapataw nitong multa.

Bukod dito, kailangan din ng may-ari na ayusin ang barko upang maiwasan na masira ang karagatan.

“We hope to get to the bottom of this issue during the investigation,” bigay-diin ni Cimatu.

Batay sa mga samples na kinuha mula sa actual discharge ay makikita ang effluent focal coliform count na may 1,700 most probable number per 100 milliliters (MPN/100 mL) base sa report ng EMB.

Iniulat din ng EMB na mataas din ang ambient fecal coliform na may 2,400 MPN/100 mL, kumpara sa standard na100 MPN/100 mL. Habang ang langis at grasa naman na nakita sa MV Sarangani ay nasa 19 milligrams per liter (mg/L), di hamak na sobra ito sa standard na 5mg/L.

“We found out that the wastewater from the vessel is above the standard of the DENR. On this basis, we can now issue a notice of violation to the owner. A technical conference will be called to hear their side,” wika ni DENR Undersecretary for Policy, Planning and International Affairs Jonas R. Leones.

Sa oras na matapos na ang mga kinakailangang requirements ay magsasampa na ng kaso ang EMB at Coast Guard laban sa shipowner.

Maaaring kasuhan ang shipowner dahil sa paglabag nito sa Republic Act (RA) 9275, o kilala rin bilang Philippine Clean Water Act of 2004; the Marine Pollution Decree of 1976; Philippine Fisheries Code of 1998; at iba pang regulasyon ng PPA.