CEBU CITY – Siniguro ng Lite Shipping Corporation na magbibigay ng tulong pinansyal para sa lahat ng mga pasahero ng M/V Lite Ferry 16 na nasunog habang nasa karagatan patungong Dapitan City, Zamboanga Del Norte.
Inihayag ni Fernando Inting, ang Chief Operating Officer ng nasabing shipping company, na magbibigay sila ng P10,000 sa bawat pasahero sa nasabing barko.
Ayon kay Inting na nagpadala na rin sila ng 4-man team na siyang mag-aasikaso sa lahat ng mga pangangailangan ng mga biktima.
May insurance rin umanong makukuha ang pamilya ng tatlong namatay na mga pasahero.
Dagdag pa ni Inting na nagpadala na rin sila ng dalawang tugboats para maibalik ang vessel sa port.
Sa ngayon, nakikipagtulongan na ang management ng nasabing shipping company sa Philippine Coast Guard sa isasagawang imbestigasyon at sinasabing isusumite ng kompanya ang Marine Protest sa loob ng 24 oras base na rin sa ‘request’ ng PCG at MARINA Rules and Regulations.
Habang, binigyang-diin rin ng MARINA na posibling matanggalan ng lisensya ang kapitan, chief engineer at mga crew ng M/V Lite Ferry 16 kung mapapatunayang may kapabayaan na ginawa kaya nangyari ang insidente.
Kung maalala, nagtalunan ang mga pasahero mula sa nagliliyab na barko nang malapit na sana itong dumaong sa Dapitan City madaling araw ng Miyerkules.