VIGAN CITY – Pinag-aaralang mabuti ng Department of Agriculture (DA) kung ano ang mga ayudang kanilang ibibigay sa mga mangingisdang apektado umano ng kulang na suplay ng galunggong at maaaring maapektuhan ng pag-import ng nasabing isda mula sa ibang bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni Agriculture Secretary William Dar na posibleng magbigay sila ng ibang livelihood source o mapagkakakitaan ng mga mangingisda upang hindi sila mahirapan.
Aniya, kailangan lamang na dumulog sila sa mga opisina ng DA sa kani-kanilang mga lugar upang matukoy kung ano ang kanilang kailangan na tulong.
Una nang ipinayo ng nasabing ahensya na mangisda muna ng ibang klase ng isda ang mga ito kung kulang ang suplay ng galunggong dahil marami namang ibang isda na maaari nilang hulihin at pagkakitaan.