Ibinunyag ng World Health Organization (WHO) na mayroon na silang nakikitang pagbaba sa napapaulat na mga kaso ng 2019 novel coronavirus acute respiratory disease (2019-nCoV ARD) sa labas ng Wuhan City sa Hubei, China na siyang epicenter ng outbreak.
Sa isang pulong balitaan, sinabi ni WHO representative to the Philippines, Dr. Rabindra Abeyasinghe, na naitala nila ang naturang downward trend sa kabuuang bilang ng mga kaso sa China nitong mga nakalipas na araw.
Patunay daw ito na epektibo ang mga hakbang na ipinatutupad sa Wuhan, Hubei, at maging sa buong China.
“I think there is hope now. We have seen declining trend outside the Wuhan City in Hubei province over the last few days. I believe we are seeing a declining trend in the total number of cases reported in China last night,” wika ni Abeyasinghe.
“This is possible early evidence—of course we still have to still watch and see—that the measures being implemented inside Wuhan, Hubei, and China are working,” dagdag nito.
Samantala, muling iginiit ng WHO official na hindi pa kumpirmado na isang airborne disease ang nCoV.
Paliwanag ni Abeyasinghe, hindi raw porket may kaso ay agad na silang magbibitaw ng deklarasyon ukol sa paksa.
“Just because we see a collection of cases, we cannot confirm that it is airborne. We need better evidence,” anang opisyal.
Sa kabilang dako, nagbigay na rin ang WHO ng mga chemicals at reagents sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) na magagamit sa pagsusuri sa 1,500 pasyente ng nCoV.
“We have provided the necessary chemicals and reagents to RITM. In fact we made a delivery to RITM, so the capacity is increasing. I believe it is for 1,500 patients, today’s deliverables, samples,” ani Abeyasinghe.
Target din aniya nilang makapagbigay pa ng karagdagang mga kemikal na magagamit sa pag-eksamin sa 3,000 pang mga pasyente sa bansa.
Gayunman, inihayag ni Abeyasinghe na nakabase ang delivery sa pangangailangan ng bawat bansa para matiyak na hindi kukulangin ang suplay.
“We have to deal with the global demand for these products, so please understand that every country is asking for this. We have to accommodate everybody’s needs,” paliwanag nito.
Sa kasalukuyan, ang RITM ang nagsasagawa ng tests sa mga patients under investigation (PUIs) na hinihinalang dinapuan ng virus.