ILOILO CITY – Ibinunyag ni dating Department of Health (DOH) secretary at ngayon Iloilo 1st District Representative-elect Janette Garin na matagal nang problem ang ghost dialysis scam ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth).
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Garin, sinabi nito na bago pa man ito umupo bilang Health secretary, may nangyayari nang dialysis scam kung saan mismong mga doktor at providers ang nasa likod ng anomaliya.
Inihambing naman ng kalihim ang korapsyon sa PhilHealth sa isang malalang sakit at nararapat na mapuksa.
Ayon sa dating kalihim, noong siya ang kalihim ng DOH, ipinag-utos nito ang pagpalit ng manual recording sa computer based system upang madaling malaman kung may nangyayaring anomaliya sa dialysis.
Ikinalungkot naman ni Garin na mas pinagtuunan pa ng mga kalaban nito sa politika ang Dengvaxia issue kung kaya’t natabunan ang isyu sa ghost dialysis scam.
Nakahanda naman si Garin na ilabas ang mga ebidensya sa korapsyon sa PhilHealth.