CAGAYAN DE ORO CITY – Itinuturing ng militar na nasa “irreversible collapse” na ang puwersa ng rebeldeng New People’s Army (NPA) na kumikilos sa bulubunduking sakop ng Bukidnon at Misamis Oriental.
Pahayag ito ni 403rd Infantry Battalion, Philippine Army commander BGen. Ferdinand Barandon kasunod ang pagsuko ng siyam na “hard core” members ng Guerilla Front 68-B ng NPA bitbit ang anim na high-powered firearms noong anibersaryo ng CPP noong Disyembre 26.
Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Barandon na sumuko ang nasabing mga rebelde sa tropa ng 1st Special Forces Battalion ng Philippine Army na nakabase sa bayan ng Manolo Fortich, Bukidnon na malapit sa Cagayan de Oro City.
Inihayag ng heneral na kabilang sa mga sumuko ang mag-asawang sina Arnie Capin alyas Lee, 24, at Etchel Litan alyas Lalang, 21, na nagsilbing political instructor at medic ng grupo.
Naikuwento umano ng mag-asawa kung paano sila nilinlang ng mga komunista upang mamundok at labanan ang sistema ng gobyerno.
Una rito, bago ang anibesaryo ng NPA ay sunod-sunod na sumuko ang ilang miyembro ng NPA sa Misamis Oriental, Misamis Occidental at maging sa Lanao del Norte.