Maging si Narvacan, Ilocos Sur Mayor Luis Chavit Singson ay pinabilib sa matinding kondisyon ngayon ni Senator Manny Pacquiao.
Sa interview ni Bombo international correspondent Ponciano “John” Melo Jr. mula sa Las Vegas kay Singson, sinabi nito na ang mga kilos at galaw ngayon ni Manny ay mistulang noong kabataan pa niya.
Sa tingin daw niya ay hindi nawala ang bilis at lakas.
Kaya naman daw ayon kay Chavit, silang nakapaligid sa pambansang kamao ay naniniwalang merong kalalagyan ang 30-anyos na American champion na si Thurman.
Samantala, nagkwento pa si Chavit sa Bombo Radyo na sa tagal na niyang sumubaybay sa career ni Pacman mula noon, ang assessment niya ay mas handang handa raw ito sa laban ngayon.
Kung tutuusin wala na raw siyang masabi dahil “fit na fit” at sobra ang pagkaseryoso sa training camp ng fighting senator.
Sinabi pa Mayor Singson ang ginagawa umanong pambabatikos ni Thurman ay kakainin niya sa ibabaw ng ring.
Sa pananaw din ng isa sa malapit na advisers ni Pacquiao, sinabi nito na maaaring may kaba si Thurman kaya idinadaan nito sa pangangantiyaw ang diskarte.
Sa tagal na raw ng Pinoy ring icon na mahigit na sa dalawang dekada sa pagboboksing, wala na itong kinatatakutan kahit noong panahon pa nina Dela Hoya at Margarito na mas malaki at matangkad pa kay Thurman.