Umiiral din umano sa New Bilibid Prisons (NBP) ang “tanim kaso” na pinagkakakitaan ng ilang opisyal ng Bureau of Corrections (BuCor).
Ito ang isiniwalat kay Senate President Vicente “Tito” Sotto III ng isa sa mga lumapit sa kaniyang testigo ukol sa “good conduct time allowance (GCTA) for sale.”
Ayon kay Sotto, modus operandi raw ng ilang jail official na haharangin ang isang lalayang inmate at sasabihing may pending pa itong mga kaso at bayaran.
Dito ay ipi-pressure umano ang isang bilanggo para magbigay ng hinihinging halaga, upang tuluyan itong makalaya sa bisa ng GCTA.
Dalawa hanggang tatlong testigo pa ang inaasahan ni Sotto na sasalang sa susunod na hearing.
Kabilang na rito ang isang personalidad na may malaking alam daw sa buong proseso ng “freedom for sale” sa BuCor.