May mas malalim pa umanong isyu kaysa sa naging sagutan nina Baguio City Mayor Benjamin Magalong at PNP Chief Oscar Albayalde.
Ito ang paniniwala ni Senate committee on justice at blue ribbon chairman Sen. Richard Gordon dahil habang nauungkat umano ang isyu ay may mga nagsusulputan pang ibang usapin.
Maging ang mga sasakyang nabili ni Albayalde at mga tauhan nito ay nakaladkad na rin.
“Nabanggit po na pati ‘yung provincial director, mayroon din siya [SUV],” wika ni Magalong.
Nangyari daw kasi ang pagkakaroon ng mga sasakyan matapos ideklarang mahigit 30 kg lamang ang nakumpiskang droga sa halip na 200 kg, batay sa pagsisiyasat ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
Pero giit ni Albayalde, hindi siya nagkaroon ng bagong sasakyan.
“I really don’t know what personal gripes Major Magalong here has against me because this happened in 2013. What I have in 2013 was a pick-up truck, the model I don’t know, an old model one. I can even say that I bought that from a neighbor,” wika ni Albayalde.
Sinabi naman ni Sen. Bong Go na huwag sanang puro imbestigasyon lamang dahil maging si Pangulong Rodrigo Duterte ay nakaantabay din sa pagsisiyasat.
Hinihintay lang ng Pangulo ang resulta ng Senate probe, bago gumawa ng hakbang laban sa mga taong nababanggit sa usapin.