DAGUPAN CITY – Ibinunyag ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) na may mga frozen pork meat mula sa China ang ibinibenta sa isang pamilihan sa Maynila.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay SINAG Chairman Rosendo So, nangangamba ito dahil may mga nakita silang processed food mula sa China na kung matatandaan ay apektado ng African swine fever o ASF.
Nagtataka aniya ito kung bakit may nakalusot na pork products na mula sa apektadong bansa at hindi nasuri ng quarantine team.
Ayon kay So, dapat magkaroon muna ng total ban sa pag-aangkat ng karne sa lahat ng bansa dahil 5% lang naman ang total consumption ng mga Pilipino rito.
Kung hindi kasi aniya gagawin ang total ban, mas magkakaroon ng problema sa oras na makapasok sa Pilipinas ang virus.
Kahit sa baboy lang makakaapekto ang nasabing virus at hindi sa tao, mapanganib pa rin ito lalo na’t walang bakuna kontra rito.
Kabilang pa sa mga apektado ng ASF ang Hungary, Latvia, Poland, Romania, Russia, Ukraine, Vietnam, Zambia, South Africa, Czech Republic, Bulgaria, Cambodia, Mongolia, Moldova at Belgium.