-- Advertisements --

Isiniwalat ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) na may ilang mga taga-gobyerno na tumutulong upang payagan ng FIBA ang ilang mga Filipino foreign players na makapaglaro sa Gilas Pilipinas sa mga international competition.

Kung maaalala, isinusulong ng SBP na magkaroon ng pagbabago sa mga alituntunin sa FIBA partikular sa eligibility rule na pinapayagan lamang ang mga Fil-foreigners na maglaro para sa Pilipinas kung nakakuha na ito ng passport sa edad na 16 pataas.

Dahil sa naturang patakaran, hindi makapaglaro bilang mga local players sina Stanley Pringle ng Barangay Ginebra, Christian Standhardinger ng NorthPort, at maging si Jordan Clarkson ng Utah Jazz.

Isang naturalized player lang din kasi kada bansa ang pinapayagan ng FIBA sa mga sacntioned tournaments.

Ayon kay SBP president Al Panlilio, nakatanggap daw ito ng mga alok na pagtulong sa problema ng ilang mga Fil-foreigners na dahilan kaya hindi nakakapaglaro ang mga ito para sa Gilas.

Bagama’t hindi direktang pinangalanan, sinabi ni Panlilio na isang kongresista raw ang nag-message sa kanya na tutulong daw ito sa kaso ng ilang mga players.

Ikinatuwa man ni Panlilio na may mga taong nais tumulong, inamin naman nito na mahihirapan silang kumbinsihin ang FIBA na palitan ang kanilang regulasyon kaugnay sa eligibility.