Kumikilos na umano si Pangulong Rodrigo Duterte para alamin kung may mga pag-abuso sa implimentasyon ng good conduct time allowance ng ilang convicted criminals.
Sinabi ni Go na naalarma si Pangulong Duterte sa naging paglaya ng halos 2,000 at posibleng pagpapalaya pa sa ilang kontrobersyal na bilanggo.
Partikular umanong nakatawag ng atensyon ng chief executive ang kaso ni dating Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez na nahatulan ng pitong habambuhay na pagkakakulong dahil sa panggagahasa at pagpatay kay Eileen Sarmenta at pagpatay naman kay Allan Gomez.
Nais aniya ni Pangulong Duterte na mapanagot ang mga may kapabayaan na nalusutan ng mga salarin sa mga karumaldumal na krimen.
“Sabi ni Pangulong Duterte papaimbestigahan niya po ito. Definitely heads will roll,” wika ni Go.
Kaya naman, isinusulong ni Go na magkaroon ng pagbusisi sa patakaran ng pagpapalaya at maging mas mahigpit pa ito sa mga darating na panahon.
Dagdag pa ng mambabatas, hudyat ito para lalo pang isulong ang death penalty laban sa mga nakakagawa ng mabibigat na kasalanan.