-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Nakakulong na ang isang ikinukonsiderang big time drug pusher matapos mahuli sa drug buy bust operation na ikinasa ng pulisya sa bahagi ng Barangay Carmen sa Lungsod ng Cagayan de Oro kagabi.

Inihayag ni Lumbia Police Station Commander Police Major Aldren Baculio na aabot sa kalahating milyong piso ang nakumpiskang shabu mula sa posisyon ng suspek na nagngangalang Jose Namata, binata at residente ng nasabing lugar.

Nang maganap ang entrapment, natunugan ng suspek na mga ahente ang kanyang ka-transaksyon kaya kumaripas ito ng takbo pero nakorner din ng mga otoridad.

Nang maposasan ng mga operatiba, umamin ang suspek na may middleman ito na nakabase sa loob ng Cagayan de Oro City Jail.

Nabatid na nakapagbenta pa ang suspek ng P45,000 halaga ng droga sa una pa niyang nakatransaksyon.

Inaalam na ng pulisya kung sino ang big time supplier ng suspek sa piitan.