-- Advertisements --

DAGUPAN CITY – Tinutumbok na ng mga otoridad ang mga person of interest at motibo sa pagpatay sa isang dating kagawad at incumbent treasurer ng Barangay Bued sa Calasiao, Pangasinan.

Ito ang kinumpirma ni Police Lt/Col. Franklin Ortiz, hepe ng Calasiao Police Station, sa exclusive interview ng Bombo Radyo Dagupan.

Una rito, nagkakape lamang sa labas ng kanilang bahay ang biktimang si Lauro Parajas, 63-anyos, nang malapitang barilin ng mga ‘di pa nakikilalang suspek.

Nakatakbo pa umano ito subalit hinabol ng gun man hanggang sa napuruhan sa ulo at kawatan na naging sanhi ng agaran nitong kamatayan.

Aniya, mayroon silang natukoy na posibleng nasa likod ng krimen bagama’t hindi pa nila ito maaaring pangalanan para na rin sa isasagawa nilang operasyon.

Bukod dito, lumang alitan ang lumalabas na motibo sa pangyayari.

Sa ngayon ay maganda ang takbo ng kanilang imbestigasyon sa kaso lalo at mayroon din silang nakuhang mga nakasaksi sa insidente na nakatulong sa kanila sa pagbibigay linaw sa krimen.

Isinantabi naman ng mga otoridad ang motibong may kaugnayan sa politika ang krimen dahil base sa mga kaanak nito, matagal nang natapos ang termino ng kanilang padre de pamilya.