CAGAYAN DE ORO CITY – Hinihingi na ngayon ng Commission on Elections (Comelec) ang operational plans ng power producers at distributors kaugnay sa darating na 2019 midterm elections sa bansa.
Ito ay upang matiyak ang pagkakaroon ng sapat na suplay ng kuryente at maagapan ang anumang kakaharapin na suliranin sa kasagsagan ng halalan sa Mayo 13.
Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Comelec spokesperson James Jimenez na nagkasundo na ang kanilang tanggapan at power producers upang siguruhing hindi malalagay sa alanganin ang pagdaraos ng halalan.
Sinabi ni Jimenez na naisumite na rin nila ang listahan ng requirement na kailangang bigyang-pansin ng mga power producers.
Kampante naman umano ang Comelec na magkakaroon ng maayos na preparasyon ang dalawang panig para sa pagdaraos ng senatorial at local elections sa bansa.