Naniniwala ang Department of Education (DepEd) na mayroong malaking posibilidad na bababa ang bilang ng mga estudyanteng magpapa-enroll ngayong taon bunsod ng agam-agam ng mga magulang sa harap ng COVID-19 pandemic.
Noong nakalipas na taon nang makapagtala ang ahensya ng 27-milyong enrollees sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa buong bansa.
Pero ayon kay DepEd Usec. Jesus Mateo, patuloy ang kagawaran sa kanilang pagkumbinsi sag mga magulang na mapagpatuloy ang pag-aaral ng mga bata.
Sa pinakahuling datos, mahigit na sa 12-milyong mga mag-aaral ang nakapag-enroll mula nang mag-umpisa ang online enrollment noong Hunyo 1.
Kamakailan din nang ilunsad ng DepEd ang “drop-box” enrollment program na nakalaan para sa mga estudyanteng walang access sa internet.
Sinabi ni Mateo, inilunsad daw ito ng kagawaran upang makumpirma kung magpapatala pa rin ngayong school year ang mga mag-aaral.
Nagsagawa din aniya sila ng learner enrollment survey kung saan tinanong nila ang mga magulang kung papayagan nilang magtungo ang kanilanig mga anak sa paaralan.
Tinanong din sa survey kung anong uri ng multi-modal delivery, mapa-TV, online, radyo, o printed materials, ang mas paborable sa mga mag-aaral.