-- Advertisements --

Inamin ni Philippine National Police (PNP) chief police director Gen. Ronald Dela Rosa na kukuha ng removal exam ang kaniyang anak na si Rock na kasalukuyang kadete ng Philippine National Police Academy (PNPA).

Pero ayon sa PNP chief, ang removal exam ay normal lamang sa mga estudyante lalo na ang nangyari sa kaniyang anak.

Katunayan noong nag-aaral nga raw siya Philippine Military Academy (PMA), sumailalim din siya sa removal exam.

“Well that is just normal. When I was a plebe duon sa academy nag- removals ako ng mathematics sa buong cadet life ko ‘yun lang naman ang na removals ko ‘nung plebo ako, well for my son, alam ko hindi lang isa dalawa dalawang subject removal is so just to make up for that dapat mag review siya ng husto,” pahayag ni Dela Rosa.

Ayon pa kay Dela Rosa, noong graduation sa PNPA ay kinamusta niya ang anak at kinamusta ang pag-aaral nito kung saan nabanggit naman ng kaniyang anak na kukuha ng removal exam.

Aniya, kaniyang pinayuhan ang anak na mag-review upang makapasa at manatili sa akademya.

Gayunman, sakaling mabigo at ma-dismiss ay welcome pa rin naman aniya sa kanilang tahanan si Rock dahil namimis na nila ito.

Nilinaw ni Dela Rosa na ang pagpasok ni Rock sa PNPA ay sariling desisyon nito kaya hindi rin papakialaman kung aalis man sa akdemya.

Aminado ang PNP chief na nape-pressure ang kaniyang anak lalo na’t siya ang hepe ng pambansang pulisya.