LAOAG CITY – Tiniyak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na may sapat na pondo para sa mga nasalanta ng bagyong Ulysses.
Ito ang inihayag ni DSWD spokesperson Irene Dumlao sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Laoag.
Aniya, umabot sa mahigit P1.4 bilyon ang nakahandang pondo ng ahensya na gagamitin para sa pagbibigay ng ayuda sa mga apektadong pamilya sa Region 5, Region 4A at iba pang lugar.
Nagpapasalamat si Dumlao sa Department of Budget and Management dahil na-replenish ang Quick Response Fund na aabot sa P888 million at ang stock pile fund na aabot naman sa mahigit P600 milyong na ibibigay sa mga LGUs na nangangailangan ng tulong.
Ayon pa kay Dumlao, mula sa National Resource Operation Center ng DSWD, nakapagbigay na sila ng 1,000 family food packs at kits bilang karagdagang tulong sa Brgy. Silangan, Quezon City, 1,400 family food packs sa Marikina City, 2,000 family food packs sa San Mateo, Rizal; 3,300 sa Legazpi, Albay; 1,700 sa Camarines Norte, 1,000 sa Urdaneta City, sa Region 2 at Region 3.
Sa ngayon ay patuloy ang repacking ng mga relief packs na ipapamigay sa mga pamilyang nasalanta ng bagyo.