Itinanggi ng kampo ni dating Bureau of Corrections (BuCor) Director General Nicanor Faeldon ang ulat na hindi ito dadalo sa ikatlong araw ng Senate hearing tungkol sa implementasyon ng good conduct time allowance (GCTA).
Nitong hapon nang dumating si Faeldon sa Senado kasama ang abogadong si Atty. Jose Diño na nagsabing nagkaroon ng pagbabago sa kanila sanang schedule ng pagsipot nitong umaga.
Ayon kay Diño, bago pa sibakin kagabi si Faeldon ay naka-schedule na ang budget hearing ng BuCor sa Kamara.
Kaya imbis na umaga ng Huwebes ito inaasahang dumating sa Senate hearing ay nilipat ni committee on justice chairman Sen. Richard Gordon sa hapon ang pagsalang nito.
Wala umanong ipinadalang text message si Diño, taliwas sa pahayag ni Gordon kanina.
Ayon sa abogado, ngayon na wala na sa BuCor si Faeldon ay mas handa na itong magsalita hinggil sa mga issue sa loob ng ahensya.