Inihayag ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na mayroon nang software tool ang gobyerno na kayang matukoy kung isang video ay deepfake sa loob lamang ng 30 segundo.
Sa pagdinig ng House tri-committee nitong Martes, sinabi ni Marco Reyes ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na maaaring i-install at patakbuhin ang naturang tool sa isang computer. Kung mapapatunayang deepfake ang isang video, lalabas ang isang pulang ‘EKIS’ sa screen.
Ayon kay Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) Executive Director Alexander Ramos, malaking tulong ang tool sa paglaban sa scammers at fake news. Maaari rin itong ipamahagi sa mga fact-checkers bilang bahagi ng isang mas malawak na sistema ng pag-verify ng impormasyon.
Samantala, sinabi ni Department of Information and Communications Technology (DICT) Secretary Ivan Uy na kasalukuyang kinukuha pa nila ang license software para sa aplikasyon. Nanawagan din siya sa mga mambabatas na bumuo ng batas na magbibigay kapangyarihan sa gobyerno na kumilos laban sa cybercriminals kahit walang private complainant.