Inihayag ng West zone concessionaire na Maynilad Water Services Inc. ang plano nilang pagdaragdag ng aabot sa 211 milyong litro sa water-storage capacity sa taong 2026
Ayon sa Maynilad, ang water reservoir na ito ay mag papahusay sa pagkakaroon ng sapat na supply at presyon ng tubig para sa mga customer na nasa matataas na lugar.
Sinabi ng naturang West zone concessionaire na ang apat na bagong reservoir na itatayo sa Quezon City, Valenzuela at Muntinlupa ay mangangailangan ng tinatayang puhunan na P2.8 billion.
Ang pamumuhunan ay bahagi ng P22-bilyong programa sa pagpapahusay ng serbisyo ng kumpanya para sa taong 2023 hanggang 2027.
Sa kasalukuyan, ang water concessionaire ay mayroong 37 operational reservoir na kayang mag-imbak ng 751 milyong litro ng treated water supply.
Sa pagkumpleto ng apat na bagong reservoir sa 2026, ang kabuuang pinagsamang kapasidad ng pag-iimbak ng tubig ng kumpanya ay aabot sa 962 milyong litro.
Ang Maynilad ay ang pinakamalaking pribadong water concessionaire sa Pilipinas na nakatuon sa pagbibigay ng serbisyo sa mga lungsod sa Metro Manila kabilang na ang lungsod ng Maynila, Quezon City, Makati, Caloocan, Pasay, Parañaque, Las Piñas, Muntinlupa, Valenzuela, Navotas at Malabon, gayundin sa mga lungsod ng Cavite, Bacoor at Imus, at ang mga bayan ng Kawit, Noveleta at Rosario sa lalawigan ng Cavite.