-- Advertisements --

Nagbabala ang water concessionaire na Maynilad na posibleng bumaba ang network pressure ng tubig kapag patuloy na tumaas ang pagkonsumo nito. 

Ito ay kahit na mananatili ang 50 cubic meters per second na raw water allocation ng Maynilad. 

Ngayong araw nga ay pinasalamatan ng Maynilad Water Services Inc. ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) at National Water Resources Board (NWRB) sa pananatili ng 50 cubic meters per second mula sa Angat Dam na pinagkukunan ng tubig ng Metro Manila. 

Epektibo ang naturang raw water allocation simula May 1 hanggang May 15, 2024. 

Binigyang-diin ng water concessionaire na kailangan na kailangan ito ngayon dahil tumataas ang pagkonsumo sa tubig dulot ng mataas na heat index. Dahil din dito, hindi nakikita ng Maynilad na magkakaroon ng service interruptions sa linya ng tubig bukod sa mga scheduled at emergency maintenance activities. 

Gayunpaman, mahalaga pa rin umano ang pagtitipid sa paggamit ng tubig para mapanatili ang lebel ng Angat Dam hanggang dumating ang tag-ulan.