Kamakailan lamang ay natapos na ng West Zone concessionaire Maynilad Water Services, Inc. ang P208-milyong pipe replacement project sa Sampaloc, Maynila.
Ito ay nagpabuti naman sa presyon ng tubig at nagpababa ng pagkalugi sa naturang lugar.
Ayon sa kumpanya, kabilang sa proyekto ang pagpapalit ng humigit-kumulang isang kilometro ng luma at tumutulo na mga pangunahing linya sa kahabaan ng mga kalye ng Maria Clara at Quiricada na may iba’t ibang laki ng diameter mula 600mm hanggang 750mm.
Dahil dito, tumaas ang presyon ng tubig sa anim na barangay ng Sampaloc mula 7 (pounds per square inch) hanggang 16 psi, na pinakinabangan naman sa mahigit 40,200 residente.
Sa 16-psi pressure, ang supply ng tubig ay maaaring umabot sa ikatlong palapag ng isang istraktura nang walang tulong ng booster pump.
Sinabi ng Maynilad na ang proyekto ay nagbigay-daan sa pagbawi ng humigit-kumulang 3 milyong litro bawat araw ng tubig na sapat upang matugunan ang mga pangangailangan ng tubig ng higit sa 21,000 mga customer, na dating nawala dahil sa mga pipe leaks.