LEGAZPI CITY – Nasa preparedness status na sa ngayon ang bayan ng Guinobatan, Albay maging ang mga barangay na nasa Mayon unit area o malapit sa peligrong dala ng bulkan.
Ito’y bilang paghahanda sa posibleng epekto ng Bagyong Bising.
Ayon kay Guinobatan MDRRMO head Joy Maravillas sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, nag-ikot na rin ang disaster management team upang ihanda ang mga evacuation centers sakaling ipag-utos ang preemptive evacuation.
Nakaantabay na ang truck na gagamitin sa paglikas bago pa man ang delikadong sitwasyon, partikular na ang mga nasa Brgy. Masarawag, Maninila, Tandarora at bahagi ng Muladbucad Grande.
Dagdag pang may mga totally displaced families mula sa mga nawasak na bahay ng nagdaang mga bagyo na hanggang sa ngayon ay nananatili pa sa eskwelahan sa Brgy. Travesia.
Nasuri na rin at nag-inventory ng supplies na gagamitin habang todo na sa paglalabas ng abiso.
Tinitingnang malaking hamon pa kapag may ganitong kalamidad, ang mahigpit na pagsunod sa health protocols sa pag-iwas sa paghahahawa-hawa ng COVID-19.