TACLOBAN CITY – Masuwerteng nailigtas ang isang alkalde at 19 na mga kasamahan nito matapos tumaob ang sinasakyang bangka sa karagatang sakop ng Sto. Niño, sa probinsiya ng Samar.
Ayon kay Ltjg. Wilkey Homer Saga, station commander ng Philippine Coast Guard (PCG)-Samar, pauwi na sana si Mayor Amelia Caño sa Almagro kasama ang 19 na pasahero mula sa dinaluhang aktibidad sa Calbayog City.
Habang nasa laot ay biglang hinampas ng malakas na alon ang kanilang bangka na naging dahilan ng pagkahati nito sa dalawa.
Agad naman silang tinulungan ng dumaang fishing boat bago ma-rescue ng PCG.
Sa ngayon ay nasa mabuting kalagayan na ang naturang mga biktima.
Nabatid na si Mayor Caño at kanyang grupo ay galing sa Calbayog City upang dumalo sa oath-taking ceremony ni Samar Rep. Edgar Mary Sarmiento.