LEGAZPI CITY – Nasa case build-up na ngayon ang Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) laban sa isang municipal mayor at dalawang regional directors ng government agencies na iniuugnay sa isyu ng katiwalian.
Ibinunyag ni PACC Commissioner Manuelito Luna sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi na nagsasagawa ang komisyon ng motu proprio investigation laban sa mga opisyal na mayroon umanong ill-gotten wealth.
Ayon kay Luna na batay sa kanilang pagsisiyasat, sinasabing kumukolekta ang isang RD sa “budget cuts” ng mga substandard government projects habang namumudmod naman ng pera at nagmamayabang ng proteksyon mula sa malalaking tao ang isa pa.
Sa panig naman ng “first-termer mayor”, daig pa aniya nito si Pangulong Rodrigo Duterte sa higit 30 bodyguards na mula sa pulisya at Bureau of Fire Protection (BFP) habang iniipit ang renewal o approval ng business permit kung hindi makapagbigay ng malaking halaga ng “lagay” ang kinikikilang negosyante.
Nabatid na mula sa Luzon ang alkalde at isang regional director habang sa Visayas ang isa pa subalit tumanggi na si Luna sa pagbanggit ng rehiyon ng mga ito.
Tinatayang umabot na rin umano sa P500-milyon o higit pa ang nakalap ng mga ito sa naturang modus na natukoy matapos magsumbong ang mga nabiktima ng tatlo.