NAGA CITY- Kasabay ng hindi matapos-tapos na bangayan sa pagitan nina Pili Mayor Tom Bongalonta at Coun. Rudel Divinagracia sa iba’t ibang isyu sa naturang bayan, naghamunan ang mga ito na idaan na lamang sa debate ang laban.
Una rito, sa programang Zona Libre kagabi, naging mainit na ang mga ibinatong pahayag ng dalawang opisyal sa bawat isa na nauwi sa paghahamon ni Bongalonta ng debate na pangungunahan mismo ng Bombo Radyo.
Aniya, layunin nito na iparinig sa mga mamamayan kung sino ang nagsasabi ng totoo sa likod ng iba’t ibang isyu sa kanilang bayan.
Hindi naman nagdalawang-isip si Divinagracia na tanggaapin ang hamon ng kanilang alkalde.
Ayon sa konsehal, wala siyang tinatago kung kaya’t wala aniyang dahilan para takbuhan niya ang naturang hamon.
Nag-ugat ang bangayan ng dalawa matapos putulan ng Camarines Sur Electric Cooperative (Casureco) II ng suplay ng kuryente ang munisipyo ng Pili dahil sa utang na aabot na sa P2.6-M na nagmula pa umano noong taong 2007.
Si Bongalonta at Divinagracia ang maglalaban sa pagka-alkalde sa bayan Pili, Camarines Sur sa 2019 midterm elections.