-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Inihahanda na ang mga kasong isasampa laban sa dalawang mayoralty candidates sa Lingig, Surigao del Sur, matapos ang matagumpay na operasyon ng mga otoridad kahapon.

Isinagawa ang operasyon ng pinagsanib na puwersa ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)-Surigao del Sur, Philippine National Police-Special Action Force, Lingig Municipal Police Station, at Regional Intelligence Division ng Police Regional Office-13.

Ayon kay Police Lt. Col. Cholijun Caduyac, regional Chief ng CIDG-Caraga, unang isinilbi ang search warrant sa bahay ni incumbent Mayor Roberto Luna Jr., sa may Barangay Poblacion.

Dito nakuha ang isang kalibre .45 na pistola, magazine na puno ng mga bala ng kalibre 9mm na pistola, magazines ng kalibre .45 na pistola, KG9, rifle grenade, at pinatuyong dahon ng marijuana.

Nakumpiska rin ang P2 milyong cash na pinaniniwalaang gagamitin sa vote buying dahil isinilid ito sa puting envelope sa halagang tig-P100 na mayroon pang sample ballot.

Napag-alamang si Lingig Mayor Roberto Luna ay high value target ng pulisya at kasama sa narcolist ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sunod na ni-raid ang bahay ng kapitan ng Barangay Tagpoporan na si Edgar Andog na tumatakbo namang alkalde sa bayan ng Lingig.

Narekober din ang isang baby armalite, KG-9, pistola at maraming bala.

Kasama sa naaresto ang bodyguard nitong si Lolo Kislan alyas Alvin na panglimang most wanted person ng kanilang bayan dahil sa kinakaharap na kasong frustrated murder.