-- Advertisements --

Ipinahayag ni Davao City Mayor Sebastian Duterte ang kanyang galit kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Linggo, at tinuligsa ito dahil pinayagan umano nitong kunin ng International Criminal Court (ICC) ang kustodiya ng kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte.

‘Yung tatay mo (Marcos Sr.) pinalibing ng tatay ko (Duterte), pero yung tatay ko pinakulong mo. P i* ka!’ ani Duterte sa pagdiriwang ng ’88th Araw ng Dabaw’ sa Davao City.

Maalalang pinayagan ni dating Pang. Duterte ang paglilibing kay yumaong dating Pang. Ferdinand Marcos Sr. sa libingan ng mga Bayani sa Taguig City noong 2016, sa kabila ng matinding protestang natanggap mula sa publiko, partikular na sa human rights advocate na tumutol noon sa diktadurya ni Marcos Sr.

Dagdag pa ni Mayor Duterte, lalaban sila sa umano’y iligal na pagkakakulong ng kanyang ama.

Binigyang-diin din ng alkalde na hindi kailanman mamahalin si PBBM ng mga tagasuporta ni Duterte. ‘Parang sa akin, ang mga kwento na narinig ko tungkol sa Martial Law at pang-aapi ay kaakibat ng pangalan ng pamilya Marcos,’ wika nito.

‘Mr. President Marcos, hindi ka kailanman mamahalin, lalo na ng mga tawag kay Rody Duterte. Hindi ka mamahalin, Mr. Marcos,’ dagdag pa ng alkalde.

Kasunod ng kanyang pahayag, sumisigaw naman ang mga tagasuporta ni Duterte ng ”Marcos resign.”

Sa kabilang banda sinabi ni PBBM noong Martes, Marso 11, na hindi siya naniniwala na ang pag-aresto kay dating Pangulong Duterte ay isang politically motivated, at binanggit na ang gobyerno ay sumunod lamang sa International Criminal Police Organization (Interpol).

‘I don’t see how that can be political persecution on my part because it was initiated before I came into the picture,’ ani Marcos Jr.