CENTRAL MINDANAO – Hindi umano dadalo at walang paghahanda ang lokal na pamahalaan ng Cotabato City sa pagsasalin ng superbisyon ngayong araw sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Sinabi ni City administrator Dr Danda Juanday na naninindigan pa rin ang City-LGU sa isinampang petisyon ni Cotabato City Mayor Atty Cynthia Guiani-Sayadi sa Korte Suprema na kumukwestyon sa resulta ng plebisito ng Bangsamoro Organic Law (BOL) noong Enero 21, 2019.
Ayaw daw ng alkalde na mateknikal ang lokal na pamahalaan ng lungsod sa isinampa niyang petisyon sa Supreme Court (SC) at ang kanyang liderato.
Naniniwala si Mayor Guiani-Sayadi na mahirap ang salitang pagtutulungan sa pagitan ng BARMM government at ng City LGU kung may bahid sa resulta ng plebisito na siyang pinaninindigan nila ngayon.
Aminado naman si Juanday na bilang isa sa mga matatanda ng city government at dating sympathizer ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ay nananawagan ito para sa katiwasayan at katahimikan ng publiko.
Bagamat mainit na usapin ngayon ang pagsasalin ng lungsod ng Cotabato sa BARMM dahil sa posisyon ng city LGU ay naniniwala pa rin si Administrator Juanday na mareresolba pa rin ang political crisis na kanilang kinakaharap ngayon.
Una nang sinabi ni Ministry of Interior and Local Government (MILG) Minister at BARMM Spokesman Atty. Naguib Sinarimbo na mananatili pa ring Independent Component City ng BARMM ang lungsod.
Batay sa naging paliwanag ni Minister Sinarimbo, ibabalik na sa Regional field office ng DILG XII sa Koronadal City ang mga empleyado ng DILG Cotabato City field office at i-a-assume na ito ng MILG-BARMM kung saan ang lahat ng report, monitoring at superbisyon ay gagampanan na ng Ministry of Interior and Local Government.
Sa huli nakiusap si Juanday na sana ay hintayin muna ang resulta ng isinampang petisyon ni Mayor Sayadi kasabay ng panawagan nito sa mga nagpapadala ng mensahe na nagbabanta sa buhay ng mga opisyales ng LGU na sana ay itigil na ito.
Bisita ngayon araw sa turn over ceremony si DILG Secretary Eduardo Año at Defense Secretary Delfin Lorenzana.