-- Advertisements --
Mayor Cynthia Guiani Sayadi
Cotabato City Mayor Frances Cynthia Guiani-Sayadi

CENTRAL MINDANAO – Kailangan umanong ipasa muna ang mga mahahalagang batas sa Bangsamoro Transition Authority (BTA) bago i-turnover ang siyudad ng Cotabato sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Ito ang paninindigan ni Cotabato City Mayor Frances Cynthia Guiani-Sayadi na isa ring abogada.

Ayon kay Mayor Guiani-Sayadi na dapat munang komunsulta si BARMM Interim Chief Minister Al-hadj Murad Ebrahim sa kanyang mga legal counsel kaugnay nang naging pahayag nito na kailangan nang i-turnover ang lungsod sa pagtatapos ngayong buwan ng Enero.

Nais naman ni Mayor Guiani-Sayadi na pagtibayin ipapasa muna ng BTA ang mga mahahalagang batas kagaya ng Local Government Code, Administrative Code, ang kawalan daw ng magna carta for workers, teachers, health workers, social workers at tripartite wage ng dating Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) na lubhang napakababa kung ihambing sa Rehiyon 12.

Nilinaw naman ni Murad na susundin nila ang naaayon sa batas at nirerespeto nya ang komento ng alkalde.

Sa ngayon nakabinbin pa rin sa Korte Suprema ang isinampa nitong petisyon kaugnay ng pagkwestyon sa pagkakapanalo ng “Yes” sa Bangsamoro Organic Law (BOL) sa isinagawang plebesito noong Enero 2019.