Naglabas ng panibagong pahayag si Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo ukol sa mga kinakaharap niyang isyu na may kaugnayan sa operasyon ng iligal na Philippine Offshore Gaming Operations.
Sa official statement nito na inilabas nitong Huwebes ng gabi ay binanggit niya sina Senator Sherwin Gatchalian at Senator Risa Hontiveros na dapat pagtuunan na lamang ang ilang isyu gaya ng kakulangan ng pagkain at health care imbes na ang pagbabanta sa kaniya na siya ay aarestuhin.
Dagdag pa nito na sakaling may ebidensiya ang mga ito laban sa kaniya ay handa siyang humarap sa “fair trial” at “proper forum”.
Hindi rin ito nangarap na gamitin ng ibang tao para mapalakas ang kanilang ambisyon sa pulitika.
Pagtatanong pa nito sa mga mambabatas kung siya ba talaga ang pinakamalaking problema sa bansa o nais lamang nilang palabasin na siya ay isang kalaban.
Magugunitang sinuspendi si Guo dahil sa patuloy na imbestigasyon ng Senado na may kinalaman siya umano sa operasyon ng iligal na POGO.
Kinukuwestiyon din ng mga senador ang kaniyang pagkakakilanlan matapos ang paiba-ibang pagsasagot nito ukol sa kaniyang lahi at personal na buhay.
Pinapaaresto na rin siya ng senado dahil sa makailang ulit na itong binabalewala ang imbitasyon nila sa nagpapatuloy na imbestigasyon.