Nanindigan si Bamban Mayor Alice Guo na inosente siya at nangakong ipagpapatuloy ang pagdepensa sa kaniyang integridad at pagkatao matapos suspendihin ng Ombudsman kasama ang 2 iba pa sa loob ng 6 na buwan dahil sa malakas na ebidensiya na nagpapakitang guilty ang mga ito.
Sa isang statement, sinabi ni Guo na iginagalang nito ang legal na proseso at tinatanggap ang desisyon ng Ombudsman.
Iginiit din ng alkalde na nagsilbi siya sa kaniyang bayan at sa kanilang mamamayan nang may integridad.
Naniniwala din si Mayor Guo na pagkakataon ito para linawin niya ang mga akusasyon laban sa kaniya. Nakahanda din siyang makipagtulungan sa mga awtoridad para masiguro ang katotohanan at hustisiya.
Sinabi din ng Bamban Mayor na lubos siyang nalulungkot sa mga akusasyong ibinabato laban sa kaniya at idinaing ang pagkondena sa kaniya bago pa man marinig ang kaniyang panig.
Giit pa ng alkalde na paglabag umano ito ng kaniyang karapatan bilang indibidwal at bilang lider na iniluklok ng mga botante ng Bamban.
Samantala, sinabi naman ng abogado ni Guo na si Atty. Nicole Jamilla na biktima ang alkalde at hindi makatarungang idinawit sa mga isyung nag-ugat umano sa regulatory responsibilities ng Pagcor.
Ipinaliwanag niya na ang pagbibigay ng business permit sa POGO firm na Zun Yuan ay sumunod lamang sa umiiral na proseso at protocol, kabilang ang sa Pagcor, at ang kabiguan ni Guo na agad na bawiin ang business permit ay alinsunod sa due process na kailangang sundin.