Inatasan ni Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan ang lahat ng pinuno ng mga barangay sa Maynila na i-update ang kanilang listahan ng mga senior citizen, persons with disability, at mga pinuno ng pamilya.
Hinikayat din niya ang mga kinauukulang sektor at ang mga residente, na tumulong sa pamamagitan ng pagpaparehistro sa mga barangay.
Ayon sa alkalde, ang direktiba ay naglalayong tiyakin na ang mga listahan ay naglalaman ng tamang impormasyon, dahil makakatulong din umano ito sa pamahalaang lungsod lalo na sa pagbibigay ng mga benepisyo sa kanila.
Ang mga updated na listahan, aniya, ay maaari ding gamitin ng lokal na pamahalaan upang matiyak na saklaw ng social amelioration program (SAP) nito ang lahat ng mga kuwalipikado.
Ang pamahalaang lungsod ay regular na nagbibigay ng buwanang tulong pinansyal sa mga senior citizen, solo parents, PWDs, at mga university students para tulungan sila sa kanilang regular na pangangailangan.