DAVAO CITY – Makikiusap umano si Davao City Mayor Inday Sara Duterte-Carpio sa kanyang ama na si Pangulong Rodrigo Duterte na huwag nang isali ang lungsod ng Davao sa mga lugar kung saan ipinapatupad ang martial law.
Ito ang pahayag ng alkalde matapos makipagkita sa European envoys sa sidelines ng 2019 Davao Investment Conference (Davao ICon) sa SMX Convention Center kahapon.
Ang naturang hakbang ng alkalde ay may kaugnayan din sa tanong ni Swedish Ambassador Harald Fries kung hanggang kailan matatapos ang batas militar sa Mindanao.
Sinabi ni Mayor Duterte na wala siyang ideya kung hanggang kailan tatagal ang martial law declaration.
Subalit, natitiyak naman daw niya na walang nabago sa peace and order sa lungsod ng Davao kahit noon pang hindi pa ipinapatupad ang batas militar.
Samantala, ang Supreme Court ay naglabas na rin ng en banc decision na nagpapatibay sa constitutionality ng Proclamation 216 na naglalagay sa buong Mindanao sa ilalim ng batas militar.