CENTRAL MINDANAO- Sa layong mas mapabilis ang paglalabas ng resulta ng Covid-19 tests sa Cotabato Province, nagbigay si Mayor ‘Inday’ Sara Duterte-Carpio ng Real-Time Quantitative Thermal Cycler o RT-PCR Machine.
Nakalaan sana ito sa Davao City mula sa donasyon ni Michael Yang ngunit dahil sa dami na ng natanggap na RT-PCR Machine ng lungsod ay naisipan ni Mayor Inday na ibahagi na lamang ito sa Cotabato Province sa pamamagitan ni Senior Board Member Shirlyn Macasarte-Villanueva.
Ayon kay BM Macasarte, malaking tulong ang naturang ekwipo na ibinigay ng Alkalde ng Davao sa patuloy na pagharap natin sa pandemiya dulot ng coronavirus disease o Covid-19.
Dagdag pa ng opisyal, mas mapapabilis nito ang paglalabas ng resulta ng mga RT-PCR o swab test at maiiwasan ang pagkakaroon ng pagkaantala sa paglalabas ng resulta ng mga ito.
Kahapon ng umaga ay opisyal nang itinurn-over sa Provincial Government ng Cotabato ang RT-PCR Machine kalakip ang nasa 18,000 sampling kits na gagamitin para sa pagsusuri ng mga suspected Covid cases.
Ginanap ang turn-over ceremony sa Cotabato Provincial Hospital sa Brgy. Amas, Kidapawan City kung saan dinaluhan ito nina Governor Nancy Catamco, Vice Governor Emmylou ‘Lala’ Taliño-Mendoza, Senior Board Member Shirlyn Macasarte-Villanueva, BM Philbert Malaluan at Integrated Provincial Hospital Office (IPHO-Cotabato) Head Dr. Eva Rabaya.
Dahil dito, mayroon ng dalawang RT-PCR machines ang probinsya.
Kung matatandaan, makailang beses ng namahagi ng tulong si Mayor Inday sa lalawigan ng Cotabato dahil na din sa pagpupursige ni BM Macasarte at VG Mendoza.
Ilan lamang sa mga ito ay ang 10 bahay na ipinatayo sa bayan ng Makilala, Cotabato para sa mga pamilyang naapektuhan ng paglindol noong 2019.
Nagpapasalamat naman si BM Macasarte at Vice Gov Mendoza kay Mayor Inday sa patuloy nitong suporta at tulong sa probinsya ng Cotabato.