DAVAO CITY – Wala umanong magbabago sa kanyang naunang pahayag na hindi siya tatakbo bilang pangulo sa 2022 presidential race.
Ito ang pahayag ni Davao City Mayor Inday Sara Duterte-Carpio sa gitna ng mga panawagan, pangunguna sa survey at binibigay na suporta sa kanya na tumakbo sa mas mataas na posisyon.
Wala umano siyang nakikita na tsansa para tanggapin ang panawagan ng mga tao.
Una nito, nagpapasalamat si Mayor Inday sa binibigay na tiwala ng mga tao sa kanya na maging successor ng kanyang ama na si Pangulong Rodrigo Duterte na matatapos na ang termino sa Hunyo 30, 2022.
Iniutos ni Mayor Inday ang pagpapatanggal ng mga “Run Sara Run” tarpaulins at billboards na inilagay ng kanyang mga supporters sa iba’t-ibang mga siyudad sa bansa dahil pinagbabawal umano ito lalo na kung hindi nagbabayad sa gobyerno.
Pinaalalahanan rin nito ang mga barangay kapitan sa siyudad na iwasan ang pagsasagawa ng motorcades at iba pang mga aktibidad dahil nakalabag ang mga ito sa regulasyon partikular na ang mass gathering na posibleng pagmulan ng transmission ng covid-19.
Mas mabuti umano na tumulong na lamang sa mga mahihirap kaysa sa gumastos para lamang ipanawagan ang kanyang pagtakbo bilang pangulo sa darating na eleksiyon sa susunod na taon.