-- Advertisements --

Iniklian ni Manila City Mayor Isko Moreno ang curfew hours sa Lungsod ng Maynila mula alas-10:00 ng gabi hanggang alas-5:00 ng umaga simula ngayong araw.

Sa nilagdaan na Executive Order No. 37 ng alkalde, nakasaad dito ang pag-adjust sa dating curfew hours na alas-8 ng gabi hanggang alas-5 ng umaga bilang bahagi ng umiiral na community quarantine.

Ayon kay Moreno, ang hakbang na ito ay isa lamang sa mga paraan na kanilang naisip para tulungan ang unti-unting pagbangon ng economic activity sa lungsod.

Dahil kasi sa pinaikling oras ng curfew ay magkakaroon ng mas mahabang oras ang mga residente ng Maynila na i-operate ang kanilang mga negosyo.

May naging hamon din ang alkalde para sa 896 baranggay ng Maynila.

Sa kaniyang press briefing kahapon ay inanunsyo ni Mayor Isko ang incentive-based approach para makatulong na kontrolin ang pagkalat ng coronavirus disease.

Pararangalan ng P100,000 ang anomang barangay na walang maitatalang COVID-19 case simula ngayong araw hanggang Oktubre 31.

Sa ilalim ng nasabing programa, lahat ng COVID-19 data ay sasailalim sa verification ng Manila Health Department (HMD) para busisiin kung totoo na wala talagang naitalang kaso ng deadly virus ang baranggay.