-- Advertisements --

Handa umano si Manila Mayor Isko Moreno na maturukan ng COVID-19 vaccine na gawa ng Chinese biopharmaceutical company na Sinovac.

Ito’y makaraang makatanggap na ang nasabing kompanya ng Emergency Use Authorization (EUA) mula sa Food and Drug Administration (FDA).

Ayon sa alkalde, kahit batay sa mga pag-aaral ay mababa umano ang efficacy rate ng Sinovac vaccine, handa raw itong magpabakuna mahikayat lamang ang publiko na magpaturok at alisin ang agam-agam tungkol sa bakuna.

“Ako mismo, kahit ano ‘yan, basta itinala, itinakda, sinertipikahan ng ahensya ng gobyerno, ng Food and Drug Administration under Executive Order 121 na sila’y magkaroon ng EUA or Emergency Use Authorization ay ‘yun po ay aking gagamitin. And I hope you do the same, not only for your own sake, but also for your family, for everyone,” wika ni Moreno.

Kasabay nito, hinimok din ni Moreno ang kanyang mga nasasakupan na magpabakuna laban sa COVID-19, kung ano mang brand ang mauunang dumating.

Noong nakalipas na buwan nang ihayag ni Moreno na bukas daw itong maturukan ng COVID-19 vaccine ng Sinovac matapos magpabakuna sa harap ng publiko si Indonesian President Joko Widodo.