-- Advertisements --

Isang karangalan para kay Manila City Mayor Isko Moreno na mapiling bumida sa nilulutong biopic o pelikula patungkol sa buhay ni Gat Andres Bonifacio.

Sa isang panayam, inamin ng actor turned mayor na “challenging” ang papel bilang si Gat Andres pero ibibigay niya ang kanyang “best” para maabot ang “expectations” ng mga manonood.

“Maypagasa” ang working title ng nasabing pelikula na magsisiwalat umano sa ibang pang impormasyon tungkol sa buhay ni Bonifacio na hindi pa naipapakita sa mga nakaraang Bonifacio movie.

Ayon pa kay Isko o Francisco Moreno Domagoso sa tunay na buhay, tila akma ang nabanggit na pamagat ng pelikula para sa pakikipaglaban pa rin ng bansa sa coronavirus pandemic kung saan nagbibigay ito ng pag-asa na balang araw ay makakamit din natin ang kalayaan sa naturang nakakamatay na sakit.

“I’m honored and humbled for this opportunity. It’s going to be very challenging, but I hope I can live up to your expectations. I will do my best. But one thing is for sure, may mga portion na madali ko nang magagampanan,” saad nito sa pep.

Hinggil naman sa leading lady o makakatambal ng 46-year-old celebrity politician, wala pa aniyang napipili si Direk Erik Matti para gampanan ang papel ni Gregoria de Jesus.

Nabatid na unang naging asawa ni Bonifacio noong nabubuhay pa ito ay si Monica na pumanaw noong 1890 dahil sa ketong, bago Gregoria de Jesus na nabiyuda naman nang patayin si Bonifacio sa Maragondon, Cavite noong May 10, 1897.

Samantala, sa kabila ng inaasahang pagiging abala sa kanyang “comeback movie,” tiniyak ni Isko na mananatili pa rin niyang prayoridad ang kanyang regular schedule sa city government.

Kung maaalala, napabilang na rin si “yorme” sa “Bonifacio: Ang Unang Pangulo” na pinagbidahan pa ni Robin Padilla noong 2014 at tinanghal na Best Picture sa 2014 Metro Manila Film Festival.

Gumanap pa si Isko rito bilang si Padre Burgos.