Kinumpirma ni Manila Mayor Isko Moreno na isa siya sa siyam na mga Metro Manila mayors na bumoto pabor sa pagpapatupad ng modified general community quarantine (MGCQ) sa National Capital Region (NCR).
Ayon kay Moreno, nais nitong luwagan na ang mga ipinatutupad na quarantine restrictions upang palakasin pa ang ekonomiya na apektado ng COVID-19 crisis.
Irerekomenda na ng mga alkalde sa Kalakhang Maynila sa pamahalaan na isailalim na ang NCR sa pinakamaluwag na community quarantine classification matapos bumoto pabor dito ang siyam sa 17 mayors.
Batay sa mga ulat, apat na mga alkalde ang bumoto na panatilihin ang GCQ status sa Metro Manila pero papayagan ang mga nasa edad 15 hanggang 65 na makalabas ng kanilang mga bahay.
Ang natitirang apat na mayors naman ay nais na mapanatili ang GCQ status ng NCR at nanindigang hindi dapat baguhin ang patakaran na mga nasa edad 18 hanggang 65 lamang ang papayagang makalabas.