Hindi umano magdadalawang-isip ni Manila Mayor Isko Moreno na kanselahin ang mga proyekto at programa ng city government kung kulangin ang pondong nakalaan para sa pagbili ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) vaccine.
Una nang naglaan ng P250-milyon ang Manila city government para sa pagbili ng COVID-19 vaccine sa oras na aprubahan na ito ng mga kinauukulan.
“If there is a need to acquire more to keep our people safe, ca-cancel-in ko po ‘yung mga ibang programa kung kaya pang cancel-in,” wika ni Moreno.
Samantala, muling nanawagan si Moreno sa mga taga-Maynila na huwag magpapaturok ng hindi pa rehistradong COVID-19 vaccine.
Kasunod na rin ito ng mga ulat na may nangyayari umanong hindi otorisadong COVID-19 vaccination activities sa bahagi ng Binondo.
Inatasan na rin daw ng aklade ang city government at ang pulisya na imbestigahan ang isyu.
“These things will not be allowed in the City of Manila because these things are unauthorized,” anang alkalde. “Mino-monitor namin ‘to araw-araw kasi we will not allow this; we will not allow our people to be fooled around by these claims na ‘yung products nila ay COVID-19 vaccine.”