-- Advertisements --

Umaasa si Pamplona, Negros Oriental Mayor Janice Degamo na tuluyan pa ring mapapauwi sa Pilipinas si dating Negros Oriental Representative Arnolfo Teves Jr.

Ito ay sa kabila ng pagbasura ng local court ng Timor Leste sa kahilingan ng Pilipinas na mapauwi na ang tinanggal na mambabatas na siyang pangunahing suspek sa pagpatay kay dating NegOr Gov. Roel Degamo at iba pa.

Ayon sa maybahay ng pinaslang na Gobernador, naniniwala pa rin siyang gagawin ng gobiyerno ng Pilipinas ang lahat ng makakaya nito upang maibalik sa bansa ang pugante.

Naniniwala din siyang kinalaunan ay haharapin ni Teves ang kaniyang mga patung-patong na kaso sa lokal na korte dito sa Pilipinas.

Kasunod naman ng naging desisyon ng lokal na korte sa naturang bansa, sinabi ni Degamo na hindi rin niya maiwasang isipin na naimpluwensiyahan ang naturang korte.

Samantala, nakatakda namang makipagpulong ang alkalde kay Department of Justice Secretary Jesus Crispin Remulla sa susunod na linggo.

Ito ay upang talakayin ang naging desisyon ng lokal na korte ng Timor Leste at planuhin ang mga susunod na hakbang ng gobiyerno upang tuluyang mapauwi si Teves.

Sa Pilipinas, nahaharap si Teves sa patung-patong na kaso tulad ng 10 counts of murder, 14 counts of frustrated murder at apat na bilang ng attempted murder kaugnay sa Degamo assassination.