Mariing dumipensa si Bacoor City Mayor Lani Mercado-Revilla kaugnay ng pagpapaimbestiga rito ng Office of the Ombudsman dahil sa isinampang reklamo ng grupo ng mga mangingisdang Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya Pilipinas (PAMALAKAYA).
Sa inilabas na pahayag ng maybahay ni Sen. Bong Revilla, nilinaw nito na walang nagaganap na reklamasyon sa Bacoor at ang bawat reclamation project na isinasagawa sa lungsod ay mayroong pahintulot mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Binigyang-diin din ng alkalde na layunin ng bawat proyekto sa Bacoor ay upang makatulong sa kabuhayan ng pamilyang BacooreƱo.
Kasalukuyang hinihintay ng kampo ni Revilla na matanggap ang kopya ng reklamo na isinampa ng Pamalakaya sa Ombudsman.
Sa isinampang reklamo ng Pamalakaya sa tanggapan ni Ombudsman Samuel Martires, nakasaad dito na ipinagpatuloy pa rin ng alkalde ang pagsusulong sa dalawang reclamation project sa kabila ng mga paglabag nito.
Nilabag di-umano ng proyekto ang 2008 Supreme Court mandamus, Adminsitrative Order No.16 na inilabas ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Pebrero 2019, Manila Bay Rehabilitation Program ng DENR maging ang umiiral na environmental at fisheries law sa Pilipinas.
Ayon pa sa alkalde, lumang issue na raw kung ang tinutukoy ng naturang grupo sa kanilang reklamo ay ang ang mga aktibidad na isinagawa ng ilang private parties sa Maliksi 3.
Dagdag pa nito na tapos nang imbvestigahan ng City Environment & Natural Resources Office (CENRO) noong Oktubre 2019 ang nasabing isyu kung saan kaagad naglabas ng cease & desist order ang korte.
“Aantayin ko nalang ang kopya ng complaint at sasagutin. thats all muna po for now kasi kung naka file na yan sa proper forum na lang pwedeng pagusapan at subjudice na tayo dyan,” ani Revilla.