BAGUIO CITY–Ibinahagi ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong ang pormal na pagkakatalaga sa kanya bilang head ng Contact Tracing Czar sa buong bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo sa alkalde, sinabi niya na inirerekomenda siya ni IATF-EID Chief Implementer Secretary Carlito Galvez Jr. upang pangunahan ang Contact Tracing sa bansa sa naging pagpupulong nila noong Biyernes kasama ang ilang miyembro ng National IATF at lokal na pamahalaan ng National Capital Region.
Sinabi pa ng dating CIDG Chief na pagkatapos niyang iprenesenta ang Contact Tracing Methodology ng Baguio City at ang Case Analysis nito noong nagtungo sa Cebu City ay agad naman siyang inirerekomenda ni Muntinlupa Mayor Jaime Fresnedi.
Isa aniyang malaking hamon ang pagtatalaga sa kanya sa puwesto lalo na at patuloy ang pagtaas ng COVID-19 sa bansa ngunit tinanggap pa rin niya ang pagiging Czar dahil makakatulong ito sa pagtatag ng epektibong Contact Tracing strategies sa buong bansa.
Ipinaliwanag niya na sa pamamagitan nito ay matutulungan din ang lungsod ng Baguio.
Sinabi niya na mabubuksan lamang ang turismo ng Baguio City kung normal na ang sitwasyon ng COVID-19 sa Regions III, IV at NCR kung kaya’t kinakailangan tumulong ang lungsod para sa sugpuin ang virus.
Sa katunayan ay nakatakdang magtungo si Mayor Magalong sa iba’t ibang rehiyon sa bansa para magsagawa ng iba’t ibang serye ng pagsasanay hinggil sa Contract Tracing.