BAGUIO CITY – Hindi napigilan ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong na maging emosyunal kasabay nang paggunita sa ikalimang anibersaryo ng Mamasapano massacre na ikinamatay ng 44 na miyembro ng Special Action Force (SAF).
Sa kanyang talumpati sa Philippine American Friendship garden ng Camp John Hay sa lungsod, inihayag niya ang pagkadismaya sa pagbasura ng kaso laban sa mga high ranking officials na konektado sa naturang operasyon.
Maaalalang isa si Magalong sa mga nanguna sa imbestigasyon nang naninilbihan pa itong CIDG-chief.
Una na ring inihayag ng mga kaaanak ng mga nasawing SAF troopers ang pagkadismaya sa tuluyang pagbasura ng Sandiganbayan sa kasong graft at usurpation of authority laban kina dating PNP-SAF chief Getulio Napeñas at dating PNP chief Alan Purisima dahil sa kakulangan ng probable cause .
Bago ito ay ibinasura rin ng Sandiganbayan ang kaso laban kay dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino ukol sa nasabing insidente.
Kahapon ay nagtipon-tipon ang mga kaanak ng 14 Cordilleran SAF troopers sa lungsod upang pag-usapan ang planong pagdulog kay Presidente Duterte sa laban nilang hustisya para sa kanilang mga nasawing kaanak.
Samantala, nabigyan ng marker ang mga Cordilleran SAF troopers tanda ng kanilang kabayanihan sa nangyaring engkwentro sa tinagruiang Oplan Exodus sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25, 2015.