-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Abalang-abala pa rin si Baguio City Mayor Benjamin Magalong sa pagtupad ng kanyang mga tungkulin sa kabila ng pagsasailalim niya sa home quarantine matapos magpositibo sa COVID-19.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo, ibinahagi niya na nagsimulang maramdaman niya ang mga sintomas ng COVID-19, gabi pa ng March 30 at lumabas na positibo sa kanyang RT-PCT test.

Sinabi din niya na una ng nakaranas ng mga sintomas ng COVID-19 ang kanyang asawa at nagpositibo din ang kanyang anak na lalaki, ang asawa nito at kanilang 4-months old baby girl.

Aniya, dinala sa ospital ang pamilya ng kanyang anak habang silang mag-asawa ay naka-home isolation.

Ayon sa kanya, una siyang nakaramdam ng mild symptoms ng COVID-19 bagaman sa ngayon ay patuloy ang kanyang medications, palaging minomonitor ng mga doktor at may nakahandang oxygen tanks para sa emergency.

Pinagpapasalamat din nito na dalawa lamang sa mga close-in security niya ang nagpositibo habang walang nagpositibo sa iba pang mga naging close contact niya.

Dinagdag ng Contat Tracing Czar na sa kabila ng pagpositibo niya ay patuloy din ang kanyang trabaho, kung saan nitong nakaraang linggo ay kabi-kabilaan at sabay-sabay ang kanyang video conferences sa IATF, National Task Force Against COVID-19 at sa Kongreso maliban pa sa mga pinapangunahan niyang contact tracing trainings at mga gawain sa lokal na pamahalaan ng Baguio.

Nagpasalamat din ito sa lahat ng mga nagpadala sa kanilang ng mga mensahe at panalangin para sa kanilang paggaling.