BAGUIO CITY – Umaasa si Baguio Mayor Benjamin Magalong na bibigyang konsiderasyon ni dating PNP chief at ngayon ay Senator Ronald “Bato” Dela Rosa ang mga impormasyong binigay niya ukol sa mga ninja cops at iba pang korapsiyon sa pambansang pulisya.
Aniya, noong Sabado hanggang kahapon ay nag-usap sila ng senador ukol sa isyu kung saan maganda ang kinalabasan nito.
Sinabi niya na ang mga impormasyong ibinigay niya sa senador ay nagmula sa mga ilang senior officers ng PNP.
Dinagdag ng dating pinuno ng PNP-CIDG na noon pa siya nagbigay ng impormasyon kay Sen. Bato ukol sa isyu.
Ayon pa kay Mayor Magalong, nag-usap na sila noon ni Sen. Bato noong magkasama pa sila sa serbisyo kung saan nagkasundo sila na bago magkaroon ng matinding kampanya sa labas ay kinakailangang linisin nila ang kanilang bakuran.
Iginiit pa nito na ito na ang panahon o oportunidad para talagang tignan at linisin ang loob ng PNP bago sila maging epektibo sa paglilinis sa labas ng organisasyon.
Samantala, pinapasalamatan ni Mayor Magalong ang “silent majority” sa pambansang pulisya na nagbibigay ng suporta at pasasalamat sa kanya.
Aniya, ang mga ito kasama na ang mga senior PNP officials ay nagpapadala sa kanya ng impormasyon ukol sa mga anomalya sa organisasyon lalo na sa isyu ng iligal na droga.