BAGUIO CITY – Naging emosyonal si Baguio City Mayor Benjamin Magalong sa kanyang pagharap sa mamamayan ng Baguiosa isinagawang flag raising ceremony ng city government kaninang umaga.
Sa kanyang mensahe, inilarawan niya na “napaka-stressful” at nakakapagod ang nakaraang linggo dahil sa pagdalo niya sa kontrobersiyal na birthday celebration ng events organizer na si Tim Yap.
Kasabay nito, muli niyang ipinaliwanag ang dahilan nang pagdalo nilang mag-asawa sa nasabing salu-salo.
Aniya, naging “napaka-sensational” ng pangyayari kung saan gumawa raw ang ilang mga tao ng sarili nilang mga haka-haka, napakaraming maling interpretasyon at maraming kasinungalingan ang ikinalat.
Pinakamasama aniya ang mga “below the belt” na ang mga komento na natanggap niya.
Dinagdag ni Mayor Magalong, hindi lamang siya ang nasaktan, kundi pinakaapektado ang kanyang pamilya dahil maging ang kanyang asawa ay takot ng lumabas.
Gayunman, ipinagpapasalamat niya ang magandang idinulot ng pangyayari dahil natuklasan niya na ang mga pinagkakatiwalaan niya ay mga kaaway pala niya.
Ang mga ito raw ay nagpakawala ng mga social media warriors na gumawa ng mga haka-haka na walang batayan.
“People who I trusted are actually my enemies. Unleashing social media warriors coming up with a lot of speculations without verifying the facts.
Coming up with intriguing comments destroying the reputation of
someone who is willing to sacrifice for everything for the sake of good government,” ani Mayor Magalong sa talumpati.
Sa kabila ng kinakaharap na isyu, ipinangako ni Mayor Magalong sa mga nambabatikos sa kanya na hindi niya iiwan ang mga ito.
Kung maalala ang kontrobersiya ay nagbunsod sa alkalde na mag-resign bilang contact tracing czar.
Sinasabing maging ang Pangulong Rodrigo Duterte ay tinanggihan ang resignation ni Magalong.
Ilang lider naman sa bansa tulad ng ilang mga senador at si Vice President Leni Robredo ang pumuri rin kay Mayor Magalong dahil sa pagkakaroon ng delicadeza na pambihira na umano sa mga opisyal ng gobyerno sa panahon ngayon.
“To those who thought that I got knocked out, if you got knocked down I will always be there for you. If you got knocked out, I even care you even it will it cost me my life, my career, my ambition, I will never abandon you,” giit pa ni Magalong na isang retired PNP general.